Hindi alarm clock ang gumigising sa akin sa umaga kundi ang iyak ng mga gutom na baboy at tilaok ng mga manok. Kapag hindi pa rin ako bumabangon, sermon mula sa mga nakatatanda ang ipanghihilamos ko. Sa lahat ng ito, ang pinakamagandang parte ay ang almusal sa lamesa. Kung hindi pandesal na mainit, ay sinangag at tuyo. Choice mo ika nga. Kadalasan na isda ang ulam doon. Bihira kasi kumain ng karne ng baboy o baka ang mga tao doon. Ang mga ito kasi ay pangbenta lamang. Isa na rin sigurong dahilan kung bakit mas marami ang bilang ng matatanda sa probinsya kaysa sa Maynila. Pagkatapos kumain, lumalabas ako ng bahay at nagwawalis ng bakuran. Kailangan ko rin diligin ang mga orchids ng tiyahin ko. Mahilig kasi siya sa bulaklak. Kung tutuusin kami ang may pinakamagandang hardin sa tapat ng bahay sa kalye namin. Dito ko rin sa probinsya naranasan na lahat ng taong dumaraan sa tapat ng bahay n'yo ay babati sa'yo. Marami rin ang naglalako ng kung anu-ano. May nagbebenta ng isda, gulay, nag-aayos ng sapatos at payong, at nagbebenta ng produktong kalokohan lamang. Isa na rito iyung isang lalake na huminto sa tapat ng bahay namin at nagsabing nagbebenta raw siya ng pampakintab ng sahig. Ayaw niyang umalis kaya tinawag ko ang tiyahin ko upang makita nya ang ibinibenta ng lalaki. Ang bida eh kung ipapahid mo raw ito sa sahig ay hindi mo na kailangang lampasuhin (bunot pa ang gamit namin doon) pa ito. Konting punas lang daw at viola! Makintab na ang sahig mo waterproof pa. Ang ibinibenta niya ay likido na kulay pula at nakalagay sa bote ng gin. Kami na raw ang sumubok upang sigurado kami na walang daya. Nang hinawakan na ng tiyahin ko ang bote, inamoy niya ito at sinabing "thinner ito eh." Siyempre nahuli man eh hindi umamin ang lalake. "Hindi po thinner iyan, sa sahig po talaga ginagamit yan" sabi niya. Nagsalita muli ang tiyahin ko, "Tingnan mo ang dingding namin. May pintura ba?" Tumingin naman ang lalaki at tumango. "Kaya 'wag mong sasabihin sa akin na hindi ko alam kung ano ang thinner!" pagtataray ng tiyahin ko. Umalis na lang ang lalake at naglakad palayo sa amin. Lumagpas lang siya ng dalawang bahay mula sa amin at muli nitong isinigaw ang ibinibenta niya. Akala ko dati eh sa Maynila lang maraming manloloko.
Hindi pa ito tapos.
No comments:
Post a Comment