Thursday, November 27, 2008

Sa aking unang kaibigan

Hindi siya nagsasalita. Tulad ko, siya yung tipong mapagmasid. Siguro kaya kami naging magkaibigan ay dahil sa nagtitinginan lang kami. Hindi ko alam ang tunay niyang pangalan dahil hindi naman niya sinabi sa amin o kahit sa akin. Kaya pinangalanan ko siyang "Slogo." Kung may ibig sabihin man iyun ay hindi ko na inisip. Minsan kasi nagiging kumplikado ang isang simpleng bagay kapag iniisip mong mabuti.

Madalas ako noong mapagalitan sapagkat lagi ko siyang binibigyan ng pagkain habang kumakain kaming mag-anak. Mahirap naman kasi talagang kumain habang may nakatingin sa bawat subo mo. Ang solusyon, hinuhulog ko sa mesa ang mga maliliit na piraso ng pagkain. Pero sabi nga nila, walang lihim na hindi nabubunyag. Kaya pinalalabas na siya ng bahay kapag kainan na. Sa kanya ko rin natutunan ang aking unang istilo ng paglalangoy. Langoy-aso ika nga. Pero bihira ko gawin ang istilong ito kasi nakakapagod. Kaya pala laging lawit ang dila nila habang lumalangoy. Si Slogo rin ang kasama ko kapag naghahatid ako ng tanghalian sa tiyahin ko at mga trabahador sa bukid. Lagi ko siyang sinasama kasi may dadaanan akong "Kampo Santo" bago makarating sa bukid. May isa kasing puntod ng intsik doon na may larawan ng namatay. Kahit na maliit ang mata ng nasa picture, pakiramdam ko nakatingin siya sa akin sa tuwing dumaraan ako doon. May shortcut kasi sa likod ng puntod na iyun papunta sa bukid. Isa pang problema ay kapag nakasampa na ako sa bakod sa likod ng puntod ay may bahay kung saan may isang babaeng nakatira. Sabi ng mga magbubukid eh sira-ulo daw iyun. Hindi ko alam kung tinatakot lang nila ako. Pero kapag nakikita ko naman ang babae ay hindi ko napapansin kung may sira nga siya. Siguro, dahil sa tumatakbo ako ng matulin.

Marami rin kaming pinagsamahan ni slogo bago siya nawala. Naaalaala ko pa noong gabing hindi na siya nakauwi. Nalungkot ako. Ulam kasi namin noon ay okra. Balak ko sanang papasukin si slogo habang kami ay kumakain at ihulog ng palihim ang okra sa kanya. Subalit hindi ko siya makita. Nakailang tawag ako sa kanya ngunit walang nangyari. Hinding-hindi ko makalilimutan ang gabing iyun. Ang gabing nawala si slogo at ang gabing isinumpa ko na hindi na ako kakain muli ng okra.

No comments: